Cash grants sa PUV drivers, mahigpit na babantayan ni Senator Marcos para tiyaking matutupad

Tiniyak ni Senator Imee Marcos, na mahigpit niyang babantayan para tiyaking matutupad ang inianunsyo ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na cash grants sa mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs).

Ang tinutukoy ni Marcos ay ang inihayag ng DBCC na pag-release ng 1 bilyong piso sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Gagamitin itong cash grants o ayuda sa 178,000 PUV drivers sa nalalabing buwan ng 2021.


Ang cash grants ay ipapamahagi gamit ang sistema ng Pantawid Pasada Program sa ilalim ng LTFRB.

Ang pondo ay bahagi ng 2021 Unprogrammed Appropriations sa ilalim ng Support for Infrastructure Projects and Social Programs.

Ikinatuwa naman ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang nabanggit na pahayag ng DBCC.

Sa consultative meeting sa Department of Transportation na pinangunahan ni Poe ay iginiit ng mga senador ang pangangailangan na tulungan ang sektor ng transportasyon lalo na ang mga jeepney at bus drivers sa harap ng serye ng oil price hike.

Facebook Comments