Hindi na kakailanganing hintayin na umabot ng centenarian o 100 taong gulang bago makatanggap ng cash incentives ang mga lolo at lola.
Ito ay sa oras na maisabatas ang House Bill 907 na isinusulong ni Ako Bisaya Partylist Rep. Sonny Lagon na layong bigyan ng cash incentives ang mga senior citizens na nasa edad 80.
Sa ilalim ng panukala, pagsapit ng ika-80 kaarawan ng mga lolo at lola ay otomatikong makakatanggap ito ng P80,000 na cash gift mula sa gobyerno.
Layunin ng pagbibigay ng cash incentives para sa mga 80 years old na matatanda na ma-enjoy at magamit nila sa mga pangangailangan tulad ng pambili ng gamot ang reward na kanilang matatanggap.
Punto pa ni Lagon na kakaunti lamang ang mga Pilipino ang nakakaabot sa edad na 80 kaya marapat lamang na mabigyan sila ng special benefits tulad sa mga nakakaabot ng 100 taong gulang.
Batay sa pagaaral ng World Health Organization (WHO) noong 2018, umaabot lamang sa 69 years old ang average life expectancy ng mga Pilipino.