Cash lane sa lahat ng expressway, muling binuksan; “barrier up” procedure sa mga toll plaza, ipinag-utos ng TRB, DOTr

Muling binuksan ang mga cash lane sa lahat ng expressway sa bansa ngayong araw.

Ito ay para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko kasunod ng mga problema sa implementasyon ng RFID system partikular sa North Luzon Expressway (NLEX).

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Toll Regulatory Board (TRB) Spokesperson Julius Corpuz na mananatiling bukas ang cash lanes sa buong transition period papuntang cashless transaction.


Bukod sa pagbabalik ng cash lanes, kasama rin aniya sa direktiba ng Department of Transportation sa mga toll operator ang pagpapatupad ng “barrier up” procedure para mapabilis ang daloy ng mga sasakyan.

Pero ayon kay Corpuz, itataas lang ang barrier kapag humaba na ang pila sa mga toll plaza.

Gayunman, marami pa aniyang dapat ayusin sa pagpapatupad ng “barrier up” para masigurong hindi ito maaabuso ng mga motorista.

“Kung minsan ho kasi, kahit alam nilang naka-barrier up ‘yan, nakataas ‘yan e kahit nga minsan na wala silang RFID, wala silang load, dire-diretso lamang po iyang mga ‘yan. Nakakalibre po sila ‘no? Sinisingitan nila ‘yong mga tunay na RFID subscribers na kawawa naman po na sumusunod sa patakaran, sumusunod sa mga pangangailangan pero naiisahan,” paliwanag ni Corpuz.

Una nang inilipat ng pamunuan ng NLEX ang RFID stickers installation at reloading stations bilang tugon sa matinding traffic bunsod ng mahabang pila ng mga sasakyan sa mga toll plaza.

Facebook Comments