Ibabalik na sa mga susunod na araw ang cash lane sa mga pangunahing toll plaza ng Metro Pacific Tollways (MPTC) kabilang na ang North Luzon Expressway (NLEX).
Ayon kay Atty. Romulo Quimbo Jr., Chief Communications Officer ng MPTC, rekomendasyon itong nakalap mula sa Office of the President bilang tugon sa problema ng Radio-Frequency Identification (RFID) system.
Katuwang nila dito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.
Bukod sa pagbabalik ng mga cash lane, sinabi rin ni Quimbo na aalisin na rin ang minimum prepaid load sa RFID na ipapatupad sa mga susunod na araw.
Samantala, pinag-aaralan na ni League of Municipality of Bulacan President at Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr., ang pagpapatupad ng toll holiday sa mga gate ng probinsya tulad ng ginawa ng Local Government Unit (LGU) ng Valenzuela.
Paliwanag ni Mayor Cruz, isa ito sa kaniyang aalamin sa gaganaping pulong kasama ang pamunuan ng NLEX.
Nabatid na nasa tatlo ang toll plaza ng NLEX sa Bulacan kabilang na ang Bocaue, Marilao at Meycauayan.