Cash transaction sa NLEX, posibleng ibalik kung hindi maaayos ang problema sa kanilang RFID system

Inirekomenda ng Toll Regulatory Board (TRB) sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na ibalik ang cash transaction sa mga tollgate hangga’t hindi pa naaayos ang kanilang RFID system.

Ito ay matapos na ireklamo ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang matinding abalang idinulot sa lungsod ng ipinapatupad na cashless toll system.

Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpuz, posibleng ibalik ang cash transaction kung hindi magbabago ang sitwasyon sa NLEX.


Pero pagtitiyak ni Corpuz, sinisikap ng NLEX na maisaayos ang mga problema sa kanilang RFID system sa gitna rin ng mga reklamo ng mga motorista.

Pumapagitna rin aniya ang TRB sa NLEX at Valenzuela City para maiwasang mauwi sa mas malaking problema sakaling tuluyang suspendihin ng alkalde ang business permit ng tollway company.

“Sana naman po e makahanap kami ng maayos na resolusyon ukol dito sa hinaing ng kagalang-galang na si Mayor Rex. Yan naman po ay binibigyang tugon ng ating toll operators at ng aming tanggapan. Subalit maaaring hindi pa sapat sa ngayon yung mga solusyong ipinapatupad kaya’t ginagawan natin ng kaparaanan kung ano pang magandang solusyon na pwedeng i-implementa,” ani Corpuz sa panayam ng RMN Manila.

Facebook Comments