Cashless collection system sa mga tollway, tuloy sa kabila ng problema sa RFID system sa NLEX; TRB, nag-sorry sa mga motorista

Humingi ng paumanhin sa mga motorista ang Toll Regulatory Board (TRB) kasunod ng aberyang idinulot ng implementasyon ng cashless radio frequency identification (RFID) system sa mga tollway.

Ito ang pahayag ng TRB matapos na suspendihin kahapon ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng toll plaza ng North Luzon Expressway (NLEX) na sakop ng lungsod.

Ayon kay TRB spokesperson Julius Corpuz, naghahanap na sila ng posibleng temporary interventions at permanenteng solusyon sa problema.


Nag-deploy na sila ng mas maraming team sa NLEX para obserbahan ang mga pangangailangan ng tollway service sa harap ng nararanasang technical difficulty.

Base rin sa kanilang initial findings, hindi gumagana ang ilang RFID stickers ng Easytrip.

Matatandaang, isa sa matagal nang inirereklamo ni Gatchalian ay ang mga depektibong sensors ng RFID.

Samantala, sa kabila ng mga problema sa RFID system sa NLEX, nilinaw ni Corpuz na tuloy pa rin ang implementasyon ng cashless collection system sa mga tollway at ikokonsidera lang ang cash-based payment sa mga emergency situation.

Sa ngayon, humigit-kumulang 90% na ang RFID users sa lahat ng mga expressway.

Facebook Comments