Iminungkahi ni Valenzuela Representative Wes Gatchalian na gawing cashless ang pagbabayad sa toll para maiwasan ang physical contact at pagkahawa ng COVID-19.
Sa inihaing House Bill 6119 ay gagawing unified cashless collection ang payment system sa mga expressway upang wala nang contact sa pagitan ng mga biyahero at toll collectors.
Aniya, kung gagawin ang cashless payment sa toll ay maiiwasan din ang cross-border transmission o pagtawid ng Coronavirus Disease mula sa infected na lugar sa COVID-19 free na probinsya.
Sa ilalim ng panukala ay oobligahin ang lahat ng toll collection facilities sa mga expressways sa bansa na gumamit ng teknolohiya at Electronic Toll Collection (ETC) programs.
Binibigyang mandato ang Department of Transportation (DOTr) sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology (DOST) na lumikha ng multi-protocol Radio Frequency Identification (RFID) at National Electronic Toll Collection System (NETCS) na gagamitin para sa cashless payment.