Cashless toll collection sa mga expressway, pinapasuspinde ng Senado

Pinapasuspende ng Senado ang kautusan ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa pagpapatupad ng cashless transaction sa mga tollways.

Nakapaloob ito sa Senate Resolution number 596 na isinulong ni Committee on Public Services Chairpeson Senator Grace Poe at inaprubahan ng 15 mga senador.

Kumbinsido si Poe na “ideal” ang cashless toll collection ngayong may COVID-19 pandemic pero hindi pa handa ang mga toll expressway service providers dahil hindi pa plantsado ang Radio-Frequency Identification (RFID) system.


Idinetalye sa resolution ang mga problema sa RFID na kinabibilangan ng mahirap na pagkuha ng RFID stickers dahil hindi rin sapat ang bilang ng sasakyan kada araw na kayang bigyan nito.

Binanggit din ang mataas na load requirement, palyadong RFID readers at scanners at atrasadong reloading system ng RFID accounts.

Ang nabanggit na mga aberya ay nagdudulot ng matinding pagbagal sa trapiko na nakaapekto na sa lokal na ekonomiya ng mga lungsod at inaasahang lalala ngayong kapaskuhan.

Ipinunto rin ni Poe ang kahalagahan na maging interoperable ang RFID system sa lahat ng expressways.

Facebook Comments