Cassandra Li Ong, no show sa pagdinig ng Senado ngayong araw

“No show” si Cassandra Li Ong sa nagpapatuloy na joint hearing ng Senate Committees on Justice, at Women at Public Services patungkol sa pagtakas nila ni Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pilipinas.

Batay sa ipinadalang excuse letter ng House of Representatives na may petsang September 4, 2024, nakasaad dito na kasalukuyang nasa ospital si Ong.

Sa liham, nakasaad na hindi mabuti ang pakiramdam ni Ong kaya hindi makadadalo sa pagdinig ng Senado.


Bumaba umano ang blood pressure at sugar ni Ong kaya kinailangan din nilang kanselahin sa Kamara ang sariling public hearing dahil dito.

Agad umanong ipinasuri si Ong sa mga doktor ng Kamara at inirekomenda ang pagpapa-ospital sa kanya kung saan tatagal ng dalawa hanggang tatlong araw bago mag-stabilize ang kanyang sitwasyon.

Samantala, kasalukuyang nakasalang ngayon si Shiela Guo, ang umano’y kapatid ni Alice Guo, at ginigisa ni Senator Risa Hontiveros ng mga tanong tungkol sa ginawa nilang pagtakas sa bansa.

Naninindigan pa rin si Shiela Guo sa mga senador na totoo lahat ang kanyang mga inihayag sa nauna niyang pagsalang sa pagdinig sa Senado patungkol sa kanilang naging pagtakas papuntang Malaysia, tumawid ng Singapore hanggang sa nahuli sa Indonesia.

Facebook Comments