Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na nakalabas na ng ospital at naibalik na sa detention facility ng Kamara si Cassandra Li Ong na siyang Whirlwind Corporation stakeholder at awtorisadong kinatawan ng Lucky South 99 na isang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO firm.
Magugunitang si Ong ay isinugod sa ospital makaraang bumagsak ang blood pressure at blood sugar habang humaharap sa pagdinig ng quad committee ng kamara noong Sept. 4.
Ayon kay Velasco, naibalik na ang maayos na kondisyon ni Ong matapos itong mabigyan ng tamang treatment sa ospital.
Tiniyak din ni Velasco, na handa ang in-house medical personnel na tugunan ang anumang medical condition na mararanasan ni Ong habang patuloy itong dumadalo sa mga pagdinig ng Quad committee.
Si Ong ay nananatili sa kostudiya ng quad committee makaraang ito ay ma-contempt dahil sa pagtangging sumagot sa mga tanong ng kongresista kaugnay sa imbestigasyon hinggil sa iligal na operasyon at mga krimen na may kaugnayan sa POGO.