Isinailalim na sa State of Calamity ang probinsya ng Catanduanes dahil sa matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Rolly.
Tinatayang nasa 20,000 kabahayan ang winasak ng bagyo habang pumalo na sa P1.3 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Sa ngayon, wala pa ring maayos na suplay ng tubig sa probinsya at hindi pa rin gaanong maayos ang signal ng kanilang mga telepono.
Limitado pa rin ang suplay ng gamot sa ilang ospital tulad sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC) kung saan nagkukulang na ang kanilang anti-tetanus, anti-rabies at iba pang pangunahing emergency medicines.
Nabatid na nagpadala na ng tulong ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong kompanya sa Catanduanes.
Samantala, batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction And Management Council (NDRRMC), umabot na sa mahigit dalawang milyong katao o katumbas ng 372,000 pamilya ang naitalang naapektuhan ng Bagyong Rolly sa buong bansa.
Nagpapatuloy pa ang assessment ng NDRRMC sa kabuuang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Rolly.