Sa kauna-unahang pagkakataon matapos tumama ang Bagyong Rolly, nagkaroon ng komunikasyon ang national government sa lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa pamamagitan ng satellite phone.
Kung saan, iniulat ni Catanduanes Gov. Joseph Cua na isolated ang kanilang lugar dahil na rin sa tindi ng epekto ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Cua, lima ang kanilang casualties kung saan apat dito ang naitalang nainjured habang tinatayang nasa sampu hanggang labinlimang libong pamilya ang apektado.
Sinabi pa nito na wala silang kuryente ngayon sa Catanduanes dahil 80% ng kanilang electric post at transformer ay pinadapa ng bagyo.
Down din aniya ang lahat ng cell sites kung kaya’t walang paraan kung papaano makokontak ang mga taga-Catanduanes.
Pagdating naman sa pinsala sa mga ari-arian, nasa 65% ng mga light material na kabahayan ang nasira habang 20% na malalaki at kongkretong tahanan ang nawasak.
Wala rin aniya silang tubig sa ngayon at tanging tubig mula sa deep well o poso ang pinagkukuhanan nila ng tubig.
Nasa ₱400M naman aniya ang pinsala pagdating sa Abaca na pangunahing produkto ng Catanduanes habang ₱200M sa iba pang pananim.
Hindi rin agad-agad mararating ang Catanduanes dahil ang mga ferry boat na nagtake-shelter sa Albay ay hindi ngayon makapaglayag dahil natumbahan ang mga ito ng poste ng kuryente.
Kasunod nito, itinuturing ni Cua na ang Bagyong Rolly ang pinakamalakas na bagyo na nanalasa sa Catanduanes kung ikukumpara sa nagdaang Super Typhoon Rosing na tumama noong 1995 at Super Typhoon Nina na nanalasa noong 2016.