Marami ang kailangang gawin para muling makabangon ang Catanduanes mula sa hagupit ng Bagyong Rolly.
Ito ang sinabi ni Vice President Leni Robredo matapos siyang magtungo sa lungsod ng Virac at katabing bayan ng Bato na kabilang sa mga lugar na pinadapa ng bagyo.
Sa kanyang ikalawang araw sa Bicol Region, binisita ng Bise Presidente ang mga lugar na matinding tinamaan ng bagyo at naghatid ng relief goods sa mga apektadong pamilya.
Sinamahan si Robredo ni Catanduanes Governor Joseph Cua at Representative Hector Sanchez.
Ayon kay Robredo, nangangailangan ng pagkain at housing materials ang mga residente.
Aniya, napakalawak ng pinsala kung saan maraming natumbang poste ng kuryente at maraming nasirang bahay.
Maliban sa bayan ng Bato, matinding naapektuhan ng bagyo ang mga bayan ng Baras, Gigmoto, Virac, San Andres at San Miguel.
Sa kabila nito, pinuri ni Robredo ang mga local officials sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon at kinilala ang bayanihan spirit sa mga Catanduanos.