Pinakapinuruhan ng Bagyong Rolly ang probinsya ng Catanduanes.
Ito ang kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa ginanap na presidential briefing kasama ang National Disaster Risk Reduction and Management Council kaugnay sa iniwang pinsala ni Super Typhoon Rolly.
Ayon kay Año, sa Catanduanes unang tumama ang mata ng bagyo bago ito nanalasa sa ibang probinsya.
Batay sa NDRRMC update, nasa 53,863 kabahayan ang walang kuryente sa Region 4A, Region 3 at Region 5.
Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, tinatayang nasa 2,776 megawatts na power stations ang naapektuhan kung saan pinakamatindi rito ay ang Catanduanes, Camarines Norte at Camarines Sur.
Tiniyak ni Cusi na kumikilos na ang DOE upang maipabalik sa lalong madaling panahon ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Samantala, nasa 17 kalsada ang nananatiling sarado sa motorista sa Cordillera Administrative Region, Region 3, Region 4A, at Region 5.
Puspusan na rin ang paglilinis ng DPWH para maalis ang mga nakaharang sa daan para sa mabilis na pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ni Super Typhoon Rolly.