
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad tugunan ang matinding kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa, matapos mabunyag na 22 classrooms pa lang ang naitayo ng ahensya ngayong taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinaiimbestigahan na ng pangulo kung bakit bumagal ang proyekto at inatasan si Secretary Vince Dizon na gumawa ng catch-up plan para mapabilis ang konstruksyon ng mga paaralan.
Tiniyak ng palasyo na kung may mapapatunayang kapabayaan o pagkukulang sa mga opisyal na responsible ay may mananagot.
Kasama sa plano ng administrasyon ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang proseso.
Samantala, kaugnay ng panawagan ni Senator Bam Aquino na ideklarang urgent ang Classroom Building Acceleration Program, sinabi ng Malacañang na hindi pa natatanggap ng Office of the President ang panukalang batas, ngunit nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ang solusyon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.









