*Cauayan City, Isabela-* Naniniwala si Acting Assistant City Agriculturist Aurora Pulido ng Lungsod ng Cauayan na ang Rice Tarrification Law ang naging dahilan ng pagbaba ng presyo ng palay.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Pulido, nasa 12 pesos hanggang 14 pesos ang bili ng mga traders kada kilo ng palay habang nasa 20.40 pesos naman ang bili ng National Food Authority (NFA).
Aniya, ilan sa mga magsasaka ay umaaray na dahil sa ganitong presyo ng palay ngayon na pagbili sa kanila ng mga traders.
Kaugnay nito, bilang pampawi aniya sa patuloy na nararanasang hirap ng mga magsasaka ay magkakaloob ang tanggapan ng City Agriculture ng binhi na hybrid na mas maganda ang kalidad kumpara sa inbred na kalimitang ginagamit ng mga magsasaka.
Batay sa pagsisiyasat ng City Agriculture Office, sa susunod na taniman ay gagamit na ang mga magsasaka ng hybrid bilang alternatibo sa inbred at mas mataas aniya ang magiging production nito na posibleng aabot sa 140 hanggang 180 kaban sa kada ektarya kumpara sa inbred seeds na 100 lamang.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring at pag aaral ng nasabing tanggapan upang tignan ang mas nakabubuting paraan upang matulungan ang mga maliliit na magsasaka.