Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang pamimigay ng City Agriculture Office ng mga certified na binhing palay para sa mga magsasaka dito sa lungsod ng Cauayan na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay City Agriculturist Constante Baruga, nakuha na kahapon ng kanilang tanggapan ang anim na raang sako ng binhi ng palay na ipapamahagi sa mga magsasaka na naging biktima ng bagyong ompong.
Ipapamahagi naman sa mga susunod na araw ang pinakahuling natanggap na binhi sa mga barangay officials upang maibigay sa mga magsasaka dito sa Lungsod ng Cauayan kung saan ay mayroon anya na isang libong magsasaka ang naapektuhan ng bagyong Ompong at Rosita.
Matatandaan na unang namahagi ang Department of Agriculture sa mga magsasaka ng mahigit tatlong libong sako ng binhing palay at babayaran na lamang nila ito kung sila ay nakapag-ani na ng kanilang mga pananim.
Layunin anya ng nasabing programa na matulungan ang mga magsasaka upang madagdagan ang kanilang produksyon ng palay at makabawi mula sa naging epekto ng mga nagdaang kalamidad.