Cauayan City, Isabela- Patuloy na nananawagan ang Cauayan City District Hospital sa mga hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dra. Rhoda Jacqueline Gaffud, Head ng Cauayan City District Hospital, bukas aniya ang kanilang ospital sa mga nais magpabakuna kahit na hindi residente sa Lungsod.
Patuloy aniya ang kanilang pagbabakuna sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 gamit ang Pfizer vaccine at Astrazeneca naman sa mga nasa edad 18 pataas.
Kinakailangan lamang aniyang magdala ng birth certificate at Identification Card ng magulang ang mga magpapabakuna na nasa edad 12-17.
Ang mga nabigyan naman aniya ng first dose ay kinakailangan lamang dalhin ang vaccination card at magpakita ng ID.
Nagsisimula ang vaccination activity ng nasabing ospital na isa sa mga itinalagang vaccination site sa Lungsod mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Nilinaw din ni Dra. Gaffud na kahit matapos ang 3-day vaccination drive ay magpapatuloy pa rin ang kanilang pagbabakuna upang makamit ang 100 porsyento na vaccination rate sa buong Isabela.