CAUAYAN CITY DISTRICT JAIL, NAKIISA SA SELEBRASYON NG "NACOCOW" 2022

Aktibong nakilahok ang mahigit 200 na Persons Deprived of Liberty (PDL) at mga kawani ng Cauayan City District Jail sa selebrasyon ng National Correctional Consciousness Week ngayong taon na may temang “Mataas na Kalidad ng Serbisyong Pampiitan, Pagbabago ng PDL Tiyak na Makakamtan”.

Sa ating panayam kay Jail Officer 2 Karla Mae Calaunan, layunin ng aktibidad na mahikayat ang mga PDL na gumawa ng mabuti habang sila ay nasa loob ng piitan at mahasa ang kanilang kakayahan at talento na maaari nilang magamit pag nakalabas na sila ng kulungan.

Bahagi ng isang Linggong selebrasyon ang pagsasagawa ng feeding program sa mga PDLs at personnel, skills training sa pangunguna ng ALS DepEd, Oplan gupit, gift giving, basketball tournament, chess and dama competition, medical and dental mission, legal consultation at iba pang aktibidad na maaaring salihan ng mga nakapiit.

Ilan sa mga aktibidades gaya ng larong basketball ay dinisenyo para hindi mainip at makaiwas sa stress ang mga PDL.

Nagpapasalamat naman si JO2 Calaunan sa mga partner agencies na nagbigay suporta sa kanilang mga aktibidad para maisakatuparan ito.

Samantala, humihingi ng dispensa ang pamunuan ng nasabing piitan sa mga kaanak ng PDL na ipagbabawal muli ang personal na pagdalaw sa mga nakakulong dahil na rin aniya ito sa hindi pa humuhupang kaso ng COVID-19.

Facebook Comments