Cauayan City District Jail, Nananatiling COVID-19 Free

Cauayan City, Isabela- Nananatiling COVID-19 free ang Cauayan City District Jail simula nang mag pandemya.

Ipinagmalaki ito ng bagong Jail Warden ng nasabing kulungan na si Chief Inspector Bonifacio Guitering.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Chief Ins. Guitering, napanatili aniya ng pinamumunuang kulungan ang pagiging COVID-19 free kung saan mula sa 220 na Persons Deprived of Liberty (PDL) ay wala pa ni isa sa kanila ang nagpositibo dahil sa istriktong pagpapatupad sa health and safety protocols.


Lahat aniya ng mga bagong inmate na papasok sa BJMP Cauayan City ay sasailalim muna ng 14-day na quarantine sa isolation room na nasa ikatlong palapag ng gusali bago hahalo sa mga regular na PDL.

Ayon pa sa Jail Warden, simula aniya nang magka pandemya dulot ng COVID-19, ipinagbawal na ang personal na pagdalaw ng mga kaanak sa mga PDL upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus o hindi mahawaan ang mga nasa loob ng kulungan.

Dinadaan na lamang aniya sa video call o phone call ang pakikipag-usap ng mga kaanak sa mga PDL.

Mananatili aniya ang mahigpit na implementasyon sa health protocols hanggat mayroon pa ang banta ng COVID-19 at kung hindi pa bakunado ang lahat ng mga PDL.

Samantala, ibinahagi rin ni Chief Insp. Guitering na mula sa kabuuang bilang ng mga naka-detain sa nasabing kulungan ay halos 50 porsyento na sa mga ito ang fully vaccinated kontra sa COVID-19.

Facebook Comments