Nagbigay ng public apology si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte sa naging alitan nito kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco patungkol sa Speakership.
Matatandaang inilatag ni Pangulong Duterte ang term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco kung saan pamumunuan ni Cayetano ang Mababang Kapulungan sa unang 15 buwan habang sasaluhin ito ni Velasco sa natitirang 21 buwan.
Pero sa kaniyang privilege speech, iginiit ni Cayetano na kasalanan ito ni Velasco.
“Simple lang naman ang upak sa ‘yo–tamad at absent,” ani Cayetano.
Dagdag pa ni Cayetano, madaling matutugunan ni Velasco ang mga pagkukulang kung hindi lamang ito tamad at pumapasok sa Kamara.
“‘Di ba? Insulto pa kapag sinabing tamad ka, tapos araw-araw (kang pumapasok). Ako, pag mag-presscon ako at sabihin kong tamad si (Majority Leader) Martin Romualdez, eh isa sa pinakamasipag dito si Martin Romualdez, eh di ako mukhang tanga,” sabi ni Cayetano.
Aniya, wala sanang magiging girian sa House Speakership kung sumunod lamang si Velasco sa kanilang usapan.
Sinabi rin ni Cayetano na mismong si Pangulong Duterte na ang nakiusap kay Velasco na gawin ang turnover sa December para matiyak ang maayos na pagpasa sa panukalang ₱4.506 trillion national budget para sa taong 2021.
Samantala, lusot na ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang budget kasunod ng mosyon ni Cayetano na tapusin agad ang plenary deliberations.