Nagbabala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko laban sa isinusulong na People’s Initiative na naglalayong amyendahan ang 1987 constitution.
Ayon kay Tagbilaran Bishop Alberto Uy, anumang inisyatibo na hindi dumaan sa wastong konsultasyon at talakayan ay hindi makatarungan at malinaw na pagsusulong lamang ng interes ng iilang indibidwal.
Dahil dito, hinimok ng obispo ang mga Boholano na huwag lumagda sa umiikot na signature campaign para sa Charter Change o Cha-Cha.
Sinabi naman ni Legazpi Bishop Joel Baylon, na dapat maging mapanuri ang publiko sa mga impormasyong kumakalat partikular na sa paglagda sa anumang petisyon lalo’t higit nakasalalay rito ang kinabukasan ng bayan.
Paalala ng CBCP, na dapat pag-aralan ang isinusulong na Cha-Cha at iwasan magpadala sa tukso ng anumang pinansyal o materyal na kapalit ng kanilang lagda.
Kinakailangang nakabatay at para sa kabutihan ng sambayanan ang layunin ng pag-amyenda ng Konstitusyon kung saan hindi dapat na maisantabi ang anumang kalayaan at karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino.