Nasa proseso ngayon ng “sainthood” o posibleng maging santo ang isang 13-anyos na Filipina ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ito ay matapos aprubahan ng mga obispo sa isang episcopal conference sa Dioceses of Kalibo ang sainthood nito.
Kinilala ang batang Filipina na si Niña Ruiz-Abad, na ipinanganak at lumaki sa Quezon City pero lumipat siya at ang pamilya nito sa Sarrat, Ilocos Norte noong April 1988.
Ayon sa CBCP, si Abad ay nagpakita noon ng malakas na debosyon sa Panginoon, kung saan kilala ito sa kawang-gawa, at namahagi ng mga rosaryo, bibliya, prayer books, mga imahen at iba pang religious items.
Mahilig siyang magsuot ng rosaryo sa kanyang leeg, at puting damit.
Nasawi si Abad sa edad na labintatlo noong 1993 dahil sa sakit sa puso, at nanatili ang mga labi sa isang sementeryo sa Sarrat, Ilocos Norte.
Sakaling maging ganap na santo, si Abad ay isa sa mga pinaka-batang santo sa kasaysayan.
Nabatid na si Bishop Renato Mayugba ng Laoag ang nagsulong sa mga obispo na buksan ang sainthood case para kay Abad.
Dahil naman sa pag-apruba ng mga obispo, sisimulan na ang pormal na imbestigasyon sa kanyang buhay, kasama ang pangangalap ng mga impormasyon at pag-interview sa mga testigo o mga nakakakila kay Abad.
Samantala, posible namang umabot ng maraming taon bago ang magdesisyon ang Roma sa beatification at canonization ni Abad.