CBCP, muling nagpapa-alala sa publiko sa mga planong gawin sa paggunita ng Semana Santa

Muling nagpapa-alala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko kaugnay sa paggunita ng Semana Santa sa susunod na linggo.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, ang Executive Secretary ng CBCP Public Affairs Committee, hinihimok nila ang publiko at mga deboto na gawin na lamang ang station of the cross sa mga tahanan.

Ito’y upang maiwasan ang kumpulan ng mga tao kung sakaling gawin ito sa kada kalye ng barangay at mga simbahan.


Paraan na rin ito para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Aniya, hindi naman na kailangan pa ang maglakad o mag-ikot dahil ang mas importante ay ang pagdarasal.

Muli rin iginigiit ng CBCP na hindi na rin kailangan magpapako sa krus para mapatawad sa mga nagawang kasalanan.

Batid ng CBCP na may ibang mga paraan para gunitain ang Semana Santa kung saan hindi dapat malagay sa peligro ang kalusugan ng bawat isa.

Matatandaan na maging ang Department of Health (DOH) ay hindi rin inirerekomenda ang pagpapapako ng sinumang indibidwal sa panahon ng Semana Santa.

Babala ng DOH, ang pagpapapako sa krus ay maaring magdulot ng pagka-impeksyon at pagka-ubos ng dugo kung hindi ito maagapan kung saan posibleng matetano pa kapag hindi nalinis ng maigi ang mga gagamitin.

Facebook Comments