
Nagpahayag ng pagkabahala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagkaantala sa pag-aksyon sa impeachment laban case kay Vice President Sara Duterte.
Sa inilabas na pastoral letter ng CBCP matapos ang kanilang plenary assembly, sinabi ng mga obispo na nababahala sila sa hindi pag-usad ng impeachment proceedings na tinawag nilang “Constitutional demand”.
Iginiit ng Simbahang Katolika na isang lehitimong mekanismo ang impeachment para sa transparency at accountability sa pamamalakad ng gobyerno kung isasagawa nang may integridad.
Hinikayat naman ng mga lider ng simbahan ang mga Katoliko na magkaroon ng malasakit sa mga isyung panlipunan at labanan ang moral indifference.
Nanawagan din ang CBCP ng pagkakaisa sa lahat mula sa mga kaparian hanggang sa political leader upang bumuo ng isang makatarungan at mapayapang lipunan.









