CBCP, naglabas ng advisory kaugnay sa pagbabasbas ng mga pari sa same-sex couples

Pinaalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Simbahang Katolika sa bansa na kilalanin ang inaprubahang “Fiducia Supplicans” o deklarasyon ng Vatican na aprubado ni Pope Francis.

Sa naturang deklarasyon binibigyan ng awtoridad ang mga pari na magbigay ng basbas sa mga hindi pa kasal o magkahiwalay na mag-asawa at same-sex couples.

Ayon kay CBCP President Bishop Pablo Virgilio David, limitado lamang sa nilalaman ng deklarasyon ang pagbibigay basbas ng pari sa mga nasabing magkasintahan.


Hindi maaaring ituring o idaos na parang kasal ang paghingi ng basbas ng mga mag-partner na nasa iregular na sitwasyon at parehong kasarian.

Hindi rin umano pwede ang pagsasagawa ng kahit anong ritwal para sa blessing.

Dagdag pa ng CBCP, hindi kailangang pari ang laging magbigay ng blessing sa lahat ng pagkakataon para maiwasan ang kalituhan, na baka ituring na basbas para sa Sakramento ng Kasal ang pagbibigay ng blessing.

Ipinaalala ng CBCP sa mga pari ang panawagan ni Pope Francis na maging tapat sa pastoral charity at huwag maging mapanghusga, at subukang lawakan ang pag-intindi sa pagbibigay ng basbas.

Wala rin umanong dapat kondisyon gaya ng moral analysis at moral perfection para sa sinumang hihingi ng basbas o blessing sa pari.

Nais lang umano ng simbahan na matiyak na hindi magdudulot ng eskandalo o kalituhan ang simpleng paghingi lang ng blessing ng mga nasabing magkasintahan mula sa mga pari.

Facebook Comments