CBCP, naglabas ng Pastoral Statement kasabay ng paggunita ng ika-36 na taon ng EDSA People Power Revolution

Naglabas ng Pastoral Statement ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa paggunita ng ika-36 na taon ng EDSA People Power Revolution.

Sa mensahe na nilagdaan ni CBCP President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na binasa ni Bishop Rex Alarcon, tinukoy ng mga obispo ang pagkabahala sa mga tangkang baguhin ang kasaysayan.

Giit ng mga obispo ng Simbahang Katoliko, nakatala na sa kasaysayan ang katotohanang naganap noon kabilang na ang mga naka dokumentong mga paglabag sa karapatan, mga biktima nito, korapsyon, napakalaking utang sa bayan na nagpalubog sa ekonomiya bunga ng diktador na gobyerno.


Ang pahayag ng CBCP ay sa harap na rin nang paggamit sa social media para isulong ang historical revisionism o pagbabago sa tunay na nangyari sa nakalipas lalo noong panahon ng Batas Militar.

Giit pa ng CBCP, hindi imbento ang makasaysayang nangyari sa EDSA at ang pagwawalang bahala sa katotohanan ang makakapinsala sa sambayanan.

Facebook Comments