Labis na nahihiya ang pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga pang-aabusong seksuwal ng ilang pastol ng simbahan laban sa mga kabataan.
Kasabay nito ang paghingi ng paumanhin at patawad ni Davao Archbishop Romulo Valles sa mga biktima ng kahit na anong uri ng pang – aabuso ng pari at sa Diyos.
Ayon kay Archbishop Valles, tulad ng Kan’yang Kabanalan Francisco labis din na ikinahiya ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa ang pang-aabusong kinasangkutan ng ilang lingkod ng Simbahang Katolika kasabay ng paghingi ng taos-pusong paumanhin sa pagkakamali ng mga pastol ng Simbahan.
Ayon sa Arsobispo, patuloy gumagawa ng hakbang ang Simbahang Katolika ng Pilipinas upang matugunan ang mga suliranin ng pang-aabuso at tiniyak na kaisa ito sa paglaban ng pang – aabuso sa lipunan at umaasang mapanagot sa batas ang mga indibidwal na sangkot.
Dahil dito, hinimok ng pangulo ng CBCP ang bawat mananampalataya na huwag matakot ipagbigay alam sa mga opisyal ng Simbahan at maging sa otoridad kung makaranas ng pang-aabuso sa mga lingkod ng Simbahan at tiniyak na nakahandang makinig ang kanilang hanay upang makamtan ang biyaya ng pagpapatawad.