CBCP, nakikipag-ugnayan na sa mga LGUs at PNP para sa nalalapit na Simbang Gabi

Nakikipag-ugnayan na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Local Government Units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na simbang gabi.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, tagapagsalita ng CBCP, kakailanganin nila ang suporta ng mga LGUs at pulisya para masigurong maipapatupad ang minimum health protocols lalo na sa labas ng simbahan.

Nabatid na kasado na ang plano ng CBCP para sa simbang gabi kung saan limitado lang ang makakapasok sa loob ng mga simbahan kaya’t nararapat na tutukan ang sitwasyon ng publiko sa labas nito.


Bukod sa mga magsisimba, dapat din daw mabantayan ang ilang magtitinda sa gilid o malapit sa simbahan kung sinusunod ng mga ito ang health protocols.

Iginiit naman ni Archdiocese of Manila Apostolic Administator Bishop Broderick Pabillo, na mas maiging makinig na lamang ng misa ng simbang gabi via online upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng publiko ngayong holiday season.

Ang mga magtutungo naman ng personal sa mga simbahan ay huwag kalimutan magsuot ng face mask at face shield habang pairalin ang physical distancing sa lahat ng oras.

Facebook Comments