Nanawagan ang mga matataas na opisyal ng Simbahang Katolika na ipanalangin ang agarang paggaling ni dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ito ay matapos na unang magpositibo ang Arsobispo sa COVID-19 pagdating nito sa bansa noong nakaraang linggo mula sa Roma.
Sa isang circular na inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), umapela sila sa bawat sakop na Diyosesis na isama si Cardinal Tagle sa panalangin sa mga misa at intensiyon upang maipagpatuloy ang kanyang tungkulin para sa simbahan.
Nabatid na unang sumailalim si Cardinal Tagle sa COVID-19 test noong Setyembre 7 sa Roma kung saan nagnegatibo ito at pinayagang makauwi sa Pilipinas para magbakasyon ng ilang linggo.
Sa kasalukuyan, si Cardinal Tagle ay isa sa bahagi ng gabinete ng Vatican matapos itong i-appoint ni Pope Francis at nilisan ang pwesto bilang Arsobispo ng Maynila noong Pebrero.