
Hinimok ng Episcopal Commission on Catholic Education (ECCE) at Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang mga Katolikong paaralan sa buong bansa na magdeklara ng “academic holiday” sa Pebrero 25, bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa pahayag ng mga grupo, dapat nakatuon sa pagninilay, pag-alala, at civic formation ang naturang araw, lalo na para sa mga estudyante at kabataan. Hinihikayat din ang mga paaralan na magdaos ng misa, youth forums, at iba pang aktibidad na naglalayong maging aktibo sa mga isyung panlipunan.
Hinimok din nila ang civil society groups, mga mamamahayag, at pampublikong institusyon na patuloy na ipagtanggol ang karapatang pantao, press freedom, at maayos na pamamahala.
Samantala, bago ang ikatlong Trillion Peso March, magaganap ang People Power 40 Kick-Off Concert sa Pebrero 21, ayon sa Mayors for Good Governance at Kaya Natin!. Layunin ng konsyerto na ipaalala sa mga Pilipino na ang pagkakaisa at tapang na nagbalik ng demokrasya noong 1986 ay puwede ring gamitin ngayon sa paglaban kontra korapsyon.
Inaasahan na dadalo rin ang mga kilalang performers sa konsyerto, na gaganapin alas-sais ng gabi.










