Nakalusot agad sa pagtalakay ng Senado ang panukalang pondo ng Climate Change Commission (CCC) na aabot sa P128 million para sa 2023.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay iminosyon ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda na ipagpaliban ang deliberasyon sa pondo ng CCC dahil wala sa sesyon ng plenaryo ang mga commissioners ng ahensya na dumalo sa Annual Climate Change Conference sa Egypt.
Ngayong araw ay present ang lahat ng opisyal ng CCC pero dahil presiding officer si Legarda sa sesyon ay hindi ito makapagtatanong sa ahensya.
Dahil walang ibang senador ang magtatanong ay agad naaprubahan ang panukalang pondo ng CCC.
Bagama’t hindi nabusisi ang budget, pinagsusumite naman ang CCC ng report at mga negosasyon sa kanilang katatapos na Egypt trip gayundin ang report tungkol sa mga napondohang proyekto mula nang malikha at magsimula ang commission.
Samantala, ipina-defer ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagtalakay sa budget ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) dahil hindi dumalo sa deliberation ang iba sa mga commissioners nito.
Nasa P193.3 million ang panukalang 2023 budget ng komisyon.