Ipinag-utos na ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pagkakabit ng CCTV sa bawat courtroom bilang dagdag-proteksyon sa lahat ng mga hukom.
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga bagong huwes na itinalaga sa Manila Regional Trial Court, sinabi ni Moreno na ang CCTV cameras ay makatutulong bilang pangontra sa anumang krimen at monitoring na rin sa mga nangyayari sa loob ng courtroom.
Sa pamamagitan ng CCTV, mapapabilis ang pagresponde ng mga otoridad sa tuwing may hindi inaasahang pangyayari.
Ayon pa kay Mayor Isko, magdadagdag rin ng security guards sa lahat ng mga korte sa lungsod ng Maynila para sa mas mahigpit na seguridad.
Maglalaan naman ng pondo ang lokal na pamahalaan para sa mas maayos na ambulansya upang mabilis na mabigyan ng serbisyong medikal ang sinumang mangangailangan habang suportado rin niya ang pagtatayo ng justice building ng Manila RTC.
Iginiit din ni Mayor Isko na katuwang ng mga hukom ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagkamit ng hustisya ng mga mamamayan laban sa mga kriminal at iba pang gumagawa ng iligal na gawain.