CCTV footage ng pamamaslang sa PCSO Board Secretary, hawak na ng pulis ng Mandaluyong

74

Inilabas na ng Mandaluyong City Police ang kuha ng CCTV footage ng pamamaril kahapon ng hapon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Atty. Wesley Barayuga sa Calbayog Street, Barangay Highway Hills, Mandaluyong.

Sa naturang footage, kita ang apat na putok ng kalibre 45 na siyang naging dahilan ng agarang pagkamatay ni Barayuga na tinamaan sa batok at pagkasugat ng kaniyang driver bodyguard na si Salvador Jojo Gunao.


Sakay ng kanilang kulay puting pick up, matapos dumalo sa Board Meeting sa PCSO si Barayuga ng pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek habang sakay rin ito ng isang NMAX motorcycle na walang plaka.

Ayon kay Police Colonel Hector Grijaldo, Chief of Police ng Mandaluyong City Philippine National Police (PNP), mas lamang ang anggulong may kinalaman sa kaniyang trabaho ang sinisilip sa nasabing pamamaslang.

Base sa inisyal nilang pagsisiyasat, marami umanong mga gambling operators ang hindi nabigyan ng prangkisa at kinasuhan ang mga ito kung saan si Barayuga ang nagsasampa ng kaso.

Kabilang sa mga gambling operators na hindi naaprubahan ang prangkisa ay mga may-ari ng STL o Small Town Lottery at mga Bingo two balls.




Inatasan na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brig. Gen. Debold Sinas ang Eastern Police District na bumuo ng isang Task Force kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tututok sa nasabing kaso para sa mas mabilis na imbestigasyon.

Bago ang pamamaslang, nakakatanggap na raw ng mga pagbabanta ang biktima base sa pahayag ng kaniyang pamilya.

Facebook Comments