CDH, NAKAKAPAGTALA PARIN NG KASO NG STD/HIV; MADALAS NA NAGPOPOSITIBO, LALAKI

Patuloy pa rin na nakakapagtala ang Cauayan City District Hospital ng ilang kaso ng mga indibidwal na nagpopositibo sa nakahahawang sakit na HIV at STD.

Ayon sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Nurse Mejalanie Karen Mariano, kadalasan umano sa mga nagpopositibo sa isinasagawang test ay mga kalalakihan na mayroong same sex partner o di kaya’y mga may asawang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Samantala, patuloy naman ang paghimok ni nurse Karen sa publiko na iwasan ang intersekswal na gawain kung walang gamit na proteksyon.

Ang Human Immunodeficiency Virus o HIV ay isang virus na umaatake sa immune system ng katawan.

Ayon pa kay Nurse Karen, ilan sa mga sintomas ng HIV ay pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng halos isang linggo, diarrhea, sore throat, rashes, at iba pa.

Kung walang isinasagawang gamutan ang indibidwal na infected ng HIV ay maaari itong humantong sa AIDS o acquired immunodeficiency syndrome.

Kaugnay nito, pinapayuhan rin ni Nurse Karen ang lahat ng nakakaranas ng mga nabanggit na sintomas na magtungo na sa kani-kanilang health centers upang magpasuri.

Facebook Comments