Cauayan City – Papasok na naman ang panahon kung kailan madalas makaranas ng bagyo at kalamidad kaya naman muling nagpaalala sa publiko ang Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay CDRRMO Head Ronald Viloria, kasabay ng panahon ng tag-ulan ay ang panahon rin kung kailan madalas makaranas ng bagyo o kalamidad.
Sa ganitong panahon, nararapat umano na maging maalam ang mga residente sa lagay ng panahon, at maging handa ang mga ito sa sakuna na posibleng dumating o maranasan anumang oras.
Partikular na sa mga low lying areas sa lungsod kung saan malimit na makaranas ng pagbaha tuwing bagyo, nararapat na ugaliing makinig at sumunod sa mga anunsyo at babala ng kinauukulan upang makaiwas sa kapahamakan.
Ayon kay Viloria, ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa kung paano maging handa sa panahon ng sakuna ay makatutulong upang maiwasan ang malalang epekto ng anumang sakuna.