Ipinag-utos ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Alabel Maasin Mining Corp. (ALMAMICO) at Alabel-Maasim Credit Cooperative (ALAMCCO) na itigil ang pangongolekta ng pera mula sa mga investor.
Ang SEC ay nag-isyu na ng cease and desist order noong June 4 kung saan inaatasan ang ALMAMICO at ALAMCCO na ihinto ang anumang aktibidad na may kaugnayan sa pagbebenta o pag-aalok ng investment contracts.
Ang ALAMCCO ay rehistrado sa cooperative development authority at ang ALMAMICO ay nakarehistro bilang stock corporation.
Ayon sa SEC, ang mga kumpanya ay kulang ng mahahalagang lisensya para mag-alok at magbenta ng investment contracts.
Nangangako ang ALAMCCO at ALMAMICO ng 35% ng monthly returns sa mga investor.
Ang scheme na ginagawa ng dalawang kumpanya ay mahahalintulad sa ‘ponzi scheme,’ kung saan nagso-solicit ng mga bagong investor, hinihikayat silang mag-invest ng pondo na makakalikha ng mataas na return na may maliit o walang risk.
Pinayuhan ng SEC ang mga nag-invest sa dalawang kumpanya na makipag-ugnayan sa SEC field offices sa Davao City at Cagayan de Oro City.