Ceasefire sa Sudan, samantalahin ng pamahalaan para mailikas ang mga kababayan ayon sa isang senador

Hiniling ni Senator Imee Marcos na samantalahin ng pamahalaan ang pagkakataon na may ceasefire sa pagitan ng Sudanese army at paramilitary na Rapid Support Forces para mailikas ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naiipit sa giyera sa Sudan.

Ayon kay Senator Marcos, habang may panahon at pagkakataon ay makabubuting maiuwi sa lalong madaling panahon ang ating mga kababayan sa Sudan.

Hindi rin aniya dapat maging kampante dahil hindi naman sigurado kung talagang gagalangin ng magkabilang panig ang ceasefire.


Aniya, nakakaawa ang mga OFWs dahil sila na mismo ang naghahanap ng paraan tulad ng pagrenta ng bus para makaalis sa Sudan.

Inirekomenda rin ni Senator Marcos na pagaralan ng pamahalaan ang pagpapadala ng chartered flights para sa mabilis na paglikas ng nasa 400 OFWs lalo’t walang direct flight mula sa naturang bansa.

Sa kabilang banda ay naghihintay rin aniya sila sa Senado ng briefing mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa sitwasyon ng mga OFW sa Sudan.

Facebook Comments