Cebu at General Santos City, inalis na rin ang mandatory na pagsusuot ng face shield

Nadagdagan pa ang mga lokal na pamahalaan na nag-utos na tanggalin na ang mandatory na pagsusuot ng face shield.

Maliban pa ito sa lokal na pamahalaan ng Maynila, Iloilo at Davao City na una nang nagpatupad ng panuntunan.

Kabilang sa mga lugar na nadagdag sa nagpatupad ng hindi na pagsusuot ng face shield ay ang Cebu City at General Santos City na hindi na hinintay ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na nakatakdang magpulong ngayong araw.


Sa General Santos City, sa mga ospital at clinic na lamang ang face shield dapat isuot.

Habang ganito rin sa Cebu City kabilang ang mga diagnostics laboratory at pampublikong transportasyon na may sapat na bentilasyon tulad ng mga jeepney.

Ang pinanghahawakan ng Cebu City ay ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na nasa kapangyarihan na ng Local Government Units (LGUs) na gawin ito.

Kontra ito sa pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque at ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra na dapat manggaling sa IATF ang desisyon.

Facebook Comments