Nananatiling COVID-19 hotspots ang Cebu City at ibang lungsod sa Cebu province.
Sa pinakabagong report ng OCTA Research group kahapon, Cebu City ang nakapagtala ng pinakamataas na daily new cases na 202.
Ito ay 62% na mas mataas kumpara sa naitalang bilang sa Cebu noong nakaraang linggo.
Naitala rin sa Cebu City ang two-week daily attack rate na 16.60 per 100,000 na ikinokonsiderang mataas batay sa guidelines ng Department of Health (DOH).
Tumaas naman sa 13% ang positivity rate sa lungsod at 49% ang hospital bed occupancy.
Bukod sa Cebu City, tumaas din ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa mga lungsod ng Mandaue, Lapu-Lapu at Talisay.
Samantala, nakitaan din ng dalawang linggong tuluy-tuloy na pagtaas sa kaso ang Tabuk, Kalinga at Cagayan de Oro City.
Bumaba naman ang naitatalang bagong kaso sa Baguio City.
Samantala, bagama’t nakitaan ng bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Navotas, Maynila at Pasay, sinabi ng OCTA Research na nananatiling manageable ang sitwasyon sa NCR.
Gayunman, nagbabala ito ng posibleng COVID-19 surge gaya ng nangyari sa Cebu City kung paluluwagin ng gobyerno ang quarantine restrictions sa rehiyon.