Dinagdagan pa ang mga medical equipment sa Cebu City para makatulong sa pagbaba ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Ayon kay National Plan Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., nagdagdag sila ng 25 high-flow nasal cannula non-invasive ventilators, 42,000 Personal Protective Equipment (PPEs), 16,000 mask, kabilang ang N95 masks na mas kailangan ng mga ospital.
Bukod dito, nagdagdag na rin ang Department of Health (DOH) Region 7 ng mga tauhan, partikular ang mga nursing staff sa mga pangunahing ospital sa Cebu City.
Nagdagdag na rin ng mga kwarto sa apat na malalaking ospital sa Cebu City para mabawasan ang waiting time sa mga emergency room.
Inatasan na rin ang mga Local Government Units (LGUs) at security forces na mahigpit na ipatupad ang mga quarantine protocol katulad ng pagbabawal sa paglabas ng bahay, social distancing, pagsunod sa public health safety at hygiene.
Matatandaang ibinalik ng gobyerno sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City dahil sa patuloy na pagdami ng positive sa COVID-19.