Tiniyak ng Cebu City Government na may sapat silang pondo para tulungan ang mga barangay na nananatiling naka-lockdown bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Edgardo Labella, inaprubahan ng City Council ang ₱500 million supplemental budget.
Nakalaan aniya ito para sa pagbili ng 200,000 sako ng bigas.
Magbibigay rin ang pamahalaang panlungsod ng ₱1 million sa bawat barangay sa susunod na linggo.
Nagpaalala ang alkalde na ang 80% financial aid ay dapat nakalaan sa pagbili ng pagkain habang ang natitirang 20% ay para sa protective gears.
Nabatid na ikinokonsidera ng national government ang Cebu City bilang COVID-19 hotspot.
Sa huling datos ng Cebu City Health Department, aabot na sa 5,596 ang kaso ng COVID-19 sa lungsod, 2,897 ang gumaling, at 180 ang namatay.