Cebu City, hindi maikokonsidera bilang bagong episentro ng COVID-19 ayon sa Palasyo

Hindi pa rin maituturing na epicenter ng Coronavirus Disease sa bansa ang Cebu City.

Ito ay matapos ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa siyudad.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nananatiling ang Metro Manila bilang epicenter ng COVID-19 sa Pilipinas.


Aniya, nag-iisang siyudad lamang ang Cebu City kumpara sa Metro Manila na mayroong 16 na lungsod at isang munisipalidad kung saan nasa 14 milyon ang populasyon.

Paliwanag pa ni Roque, isinailalim muli sa ECQ ang Cebu City dahil sa naitalang 2,417 COVID-19 cases nitong June 10, 2020 kumpara sa 1,749 cases noong May 31, 2020 kung saan maituturing na high risk ang case doubling rate na nasa 6.63 days.

Pagdating naman aniya sa critical care utilization, halos lahat ng kanilang critical care equipment tulad ng kanilang Intensive Care Unit (ICU) at isolation beds ay nasa 100% ang usage.

Maliban dito, apektado din ang 61 mula sa 80 barangay sa Cebu ng COVID-19 na mayroong aktibong kaso habang 13 mula sa 61 barangay ang maituturing na worst hit ng COVID-19.

Facebook Comments