Labis na ikinababahala ng OCTA Research team ang naitatalang higit 90 new active cases ng COVID-19 sa Cebu City.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Team na ang ‘R-naught’ o reproduction rate ng Cebu City sa ngayon ay nasa 1.7% habang ang kanilang positivity rate ay pumalo sa 7% at nasa 30% ang kanilang hospital occupancy na maituturing aniyang malapit na sa high-risk, base sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Ayon kay David, ikinababahala nila na baka ma-overwhelm ang health care capacity sa Cebu City kapag nagtuloy-tuloy ang pagsipa ng kaso doon ng COVID-19.
Paliwanag pa ni Dr. David na kung hindi maaagapan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu City ay maaaring makapagtala doon ng 200 new active cases per day na katulad ng scenario noong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City.
Kasunod nito, umaapela ang OCTA Research Team sa mga Cebuano na mahigpit na sundin ang mga health and safety protocols.