Magsisimula na ang lokal na pamahalaan ng Cebu City sa pag-iisyu ng quarantine passess para sa mga residente nito.
Ayon kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, ang quarantine pass ay ibibigay lamang sa iisang tao kada household na siyang lalabas para bumili ng kanilang pangangailangan tulad ng gamot at pagkain.
Layunin nitong malimitahan ang galaw ng mga residente sa 80 barangay sa siyudad.
Ang quarantine passes ay tanging magagamit lamang ng mga residente sa piling araw lamang depende sa Quick Response (QR) Code na ibibigay sa kanila.
Ang mga mayroong odd-numbered QR codes ay maaari lamang gamitin ang mga ito tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, habang ang mga mayroong even numbers ay maaaring lumabas tuwing Martes, Huwebes at Sabado mula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi.
Muling nagpaalala ang alkalde na sundin ang physical distancing at pagsusuot ng face masks.