Patuloy na umaasa ang Cebu provincial government na papakinggan at pagbibigyan sila ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa inapela nilang swab-upon-arrival sa mga pasahero pagdating sa lalawigan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni IATF Visayas Chief Implementer General Melquiades Feliciano na wala pa kasing desisyon sa ngayon ang IATF kung kanila bang kikilalanin ang protocol sa Cebu.
Pero sa pulong kamakalawa ng IATF kasama si Cebu Governor Gwen Garcia, nanindigan ang komite na dapat iisa lamang ang polisiyang ipinatutupad.
Sa Cebu kasi isasalang sa swab-upon-arrival ang mga biyahero kung saan mananatili ang mga ito sa isolation facility sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw at itutuloy ang natitirang araw ng pagka-quarantine sa kanilang mga tahanan.
Habang ang polisiya ng national government ay nagmamandato ng 10 araw sa quarantine facility, 4 araw na home quarantine at pagsalang sa swab test sa ika-7 araw ng kanilang pagdating.
Samantala sa mga fully vaccinated, ipinatutupad na ang mas pinaikling 7 days facility-based quarantine kung saan sa ikalimang araw ay sasailalim sila sa PCR test.
Kasunod nito sinabi ni Feliciano na kargo ni Governor Garcia anuman ang kalabasan ng ipinaiiral nilang protocols sa Cebu province.