Umapela ang Cebu Pacific sa mga pasahero na huwag magalit kapag pansamantalang nasususpinde ng dalawang oras ang lipad ng mga eroplano kapag nakataas ang red lightning advisory.
Ayon kay Cebu Pacific Spokesman Carmina Romero, kaya nagpapatupad ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng red lightning advisory ay para maprotektahan ang mga ground crew lalo na sa runway at rampa.
Ilang kaso na kasi ang nangyari na may mga ground staff ng airline ang namatay matapos tamaan ng kidlat sa runway at rampa.
Samantala, nilinaw ni Romero na sa ngayon ay nakapila ang ilan nilang aircraft na naghihintay ng pagdating ng mga piyesa ng makina ng eroplano.
Aniya, ang kawalan ng piyesa ang dahilan kung bakit hindi makabiyahe ang ilan nilang eroplano at napipilitan silang ilipat sa mas maliit na available aircraft ang mga pasahero.
Halimbawa aniya, kapag ang malaking aircraft nila na may capacity na halos limang daan ay nagka-aberya, mapipilitan silang ilipat ang mga pasahero sa eroplano na may mahigit dalawang daang kapasidad at dito na nagkakaroon ng domino effect.
Nilinaw din ni Romero na hindi lamang sa Pilipinas nangyayari ang kakulangan sa mga eroplano kundi maging sa buong mundo
Aniya, ito ay epekto pa rin ng nangyaring pandemya.