Inanunsyo ni Cebu Governor Gwen Garcia na susunod na ang kanilang lokal na pamahalaan sa mga protocol na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa mga returning overseas Filipino (ROF).
Kabilang dito ang pagsasailalim sa mga ROF sa 10-day quarantine sa mga accredited hotel sa probinsya.
Ayon kay Garcia, magpapatuloy pa rin ang swab test pagdating ng mga ROF sa paliparan, maging ang isa pang swab test sa ika-pitong araw ng kanilang quarantine.
Aniya, sasagutin naman ng national government ang hotel quarantine kaya’t tinanggal na nila ang panuntunang home quarantine na una nilang ipinatupad.
Hindi na rin muna itutuloy ni Garcia ang pagpapatupad ng kanyang Executive Order No. 23, kung saan nakasaad na kakasuhan ang mga ahensya ng gobyerno at hotel na lalabag sa ordinansa ng probinsya pagdating sa mga ROF.
Tiniyak din ni Garcia na makikipagpulong pa siya sa IATF at sa Department of Health (DOH) para maplantsa pa ang mga health protocol sa probinsya.