Tatlong araw na suspendido ang operasyon ng Cebu Provincial Capitol matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 15 nitong empleyado.
Labindalawa sa mga tinamaan ay taga-Cebu City, dalawa ang taga-Mandaue at isa ang taga-Talisay.
Magtatagal ang tigil-operasyon hanggang July 3.
Samantala, nais ni Cebu City COVID-19 response overseer at Environment Secretary Roy Cimatu na ilipat sa coastal area ang mga isolation facilities mula sa mga barangay sa lungsod.
Suspetsya ng kalihim, ang lokasyon ng mga isolation facilities ang dahilan ng pagkalat ng virus.
May mga pasilidad kasi na nasa gitna ng mga barangay, kadalasan sa mga eskwelahan.
Kaugnay nito, ginagamit na bilang quarantine facility ang New Normal Oasis for Adaptation and Home (NOAH) Complex na kayang mag-accommodate ng 300 pasyente habang iniaalok din ang Cebu Coliseum.
Samantala, aabot sa 12,000 indibidwal ang stranded pa rin sa Cebu City.
Ayon kay Cimatu, papayagan lang silang makalabas ng lungsod kapag pinaluwag na muli ang community quarantine restrictions.
Nabatid na hindi inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City na isa sa mga itinuturing na COVID-19 hotspot sa bansa.