Tinututukan ngayon ng Department of Health (DOH) ang Cebu dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 doon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may direktiba si Health Secretary Francisco Duque III na mahigpit na i-monitor ang COVID cases at sitwasyon sa Cebu.
Kinumpirma naman ng DOH na sa ngayon ay mayroon nang 60 licensed Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) laboratories sa buong bansa.
Ipinaliwanag naman ni Usec. Vergeire na kanilang hina-highlight ang COVID cases sa National Capital Region (NCR) at sa Region 7 dahil ito ang mga lugar na may matataas na kaso ng sakit.
Kasabay naman ng pagdiriwang ng National Safe Kids Week, ibinahagi ni Dr. Anthony Calibo ng DOH-Children’s Health Development Division ang mga tips sa pangangalaga sa mga bata para maiwasan ang sakuna sa loob ng bahay sa harap ng pandemya.
Partikular dito ang masusing pagbabantay sa mga bata para maiwasang mahulog sa kama lalo na ang mga sanggol.
Mahalaga rin aniyang itago ang mga kagamitan na maaaring maabot ng mga bata at magdulot ng aksidente.
Sabi pa ni Dr. Calibo, mahalaga ring ilista ang mga emergency numbers lalo na ang numero ng barangay para mas mabilis na makakahingi ng saklolo sa panahon ng sakuna.